SPBS: Ang Bagong Silang na Bersyon

Ang SPBS ngayon ay kagaya ng isang bagong silang na sanggol, kagaya ng isang bata, sumasaya sa katuparan ng mga simpleng kagustuhan – kagustuhang makapagbahagi ng mga kaisipan. Ito’y nangangailangan ng aruga at suporta na patuloy na lumaki at umunlad sa pagdaan ng panahon. Simula sa taong ito, makikita ang unti-unting pagbabago. Ibig nitong patunayan na ang SPBS ay isang organisasyong “output-based” at boses ng buong ESSUnians ang kanilang inihahalili at hindi ang sariling boses nila. Ito ay boses ng karamihan at hindi boses ng isang tao lang.
Hindi basta-bastang organisasyon ang SPBS. Ito ay isang pamilyang inaakdaan ng iba’t-ibang kaugalian, pinagbuklod ng pagmamahal sa pagsulat at ng paniniwalang kayang bumago ng mundo ang tinta. Iisa ang kanilang gusto at nais patunayan- ang SPBS ay IISA. Ang dangal ng isa ay dangal ng lahat at ang kahihiyan ng isa ay kahihiyan ng lahat. Hindi mag-iiwanan, kundi magtutulungan. Ito ang bagong bersyon ng SPBS na nagsasabing “We write for a purpose and not for fame”.